sa isang kapihan sa morato na nalugi at nagsara, kasama ang ilang mga kasamahan sa trabaho, napag-usapan namin ang tungkol sa relihiyon at pananampalataya. at naalala ko, ito ang sinabi ko noon:
"meron akong faith na mahirap matanggal, na feeling ko kahit anupaman ang mangyari, mananatili siya sa akin."
ngayon, mahigit tatlong taon na ang lumipas, ito na ang tanong ko sa sarili ko: "may pananampalataya pa ba ako?"
ang tagal ng panahon na nagkaroon ako ng relasyon sa Diyos. Makailang beses ko na rin siya itinatwa. Mabilis pa sa alas kuwatro ang pagsambit ko ng "wala na akong Diyos" sa tuwing hihiritan ako ng mga ka-opisina ko na "Akala ko ba kristiyano ka?"
ngayon, matapos ang mahigit ilang taong pagkabulok, sinusubukan ko ulit na magningas ang apoy ng pananampalataya na dati-rati'y kumukulob sa aking pagkatao.
mahirap ang pagbalik. para akong mag-e-enroll muli sa grade 1 para matutunan ang mga dati ko nang pinag-aralan. kailangan ko rin muling palambutin ang pusong kinalyo na ng kasalanan.
Pinasama ako ng sarili kong katauhan. Normal na sa akin ang magmura, parang almusal na lang sa umaga ang galit at pagsusungit. Anumang oras, pwede akong maging demonyo sa mata ng mga taong nakapaligid sa akin.
Sa lagay ko ngayon, hindi ko alam kung naniniwala pa ako sa sinabi ko tungkol sa sarili ko tatlong taon na ang nakalipas. Pero isang bagay lang ang alam ko: ang Diyos na tinutukoy ko noon, Siya rin ang nagtutulak sa akin na balikan ko iyung dati naming relasyon. Siya rin ang nagsasabing...
"Anak, tama na ang pagtakbo. sugatan ka na sa dami ng talisod at pagkadapang pinagdaanan mo dahil sa iyong paglayo. Halika na, uwi ka na. Mahal pa rin kita kahit ano pa ang nangyari sa iyo."
Miss ko na rin Siya. Miss ko na rin ang maging mabait. At lalong miss ko na rin ang gumising sa mga bukas na may ngiti at saya.
Ang sarap isipin na kahit pa ano ang iyong naging nakaraan, meron pa ring tatanggap sa iyo at mamahalin ka pa rin ng lubusan.